Nanawagan ang ilang grupo sa Office of the Ombudsman na ituloy ang pagsasampa ng kasong kriminal laban kay Senador Joel Villanueva kaugnay ng umano’y pagkakasangkot nito sa isang flood control project.

Ayon sa Samahan ng Progresibong Kabataan (SPARK), Oryang, at iba pang organisasyon, hindi dapat maging hadlang sa imbestigasyon ang paglipat ni Villanueva sa majority bloc ng Senado na pinamumunuan ni Senate President Sherwin Gatchalian.

Binanggit ng mga grupo na mahigit dalawang linggo na mula nang sabihin ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na handa nang isampa ang kaso laban sa senador, ngunit wala pa ring pormal na aksyon hanggang ngayon.

Hinimok nila ang Ombudsman na ipakita ang pagiging independyente ng tanggapan at tiyaking pantay ang pagpapatupad ng batas anuman ang kinabibilangang alyansang pulitikal ng isang opisyal.