Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang P2,000 across-the-board na dagdag sa honoraria ng mga guro at poll workers na magsisilbi sa nalalapit na national at local elections sa Mayo 12.
Mula sa dating P10,000, magiging P12,000 na ang matatanggap ng chairperson ng electoral board; P11,000 naman para sa poll clerk at third member (mula P9,000); at P8,000 para sa support staff (mula P6,000).
Ayon kay Department of Budget and Management Secretary Amenah Pangandaman, tinapos na ng DBM ang mga kinakailangang adjustments sa pondo bilang pagkilala sa mahalagang papel ng mga poll workers sa pagbabantay ng malinis at tapat na halalan.
Idinagdag pa ni Pangandaman na tugon ito sa utos ng Pangulo na bigyang suporta ang kapakanan ng mga guro, lalo na sa panahon ng eleksyon.
Naglaan ang pambansang budget ng P7.48 bilyon para sa kabuuang 758,549 poll workers, base sa pagtataya ng Comelec.
Hinikayat din ng kalihim ang agarang pagpapalabas ng benepisyo upang matiyak na makakarating ito sa mga guro at poll workers sa tamang panahon.