Tuguegarao City- Nanawagan ng hustisya ang grupo ng mga human rights activist para sa kanilang mga kasamahang naging biktima umano ng Extra Judicial Killing (EJK).

Sa panayam kay Deos Montesclaros, coordinator ng Bayan Muna Cagayan Valley, nagsagawa sila ng pakikipagdialogo sa tanggapan ng Commission on Human Rights (CHR) Central Office upang ipaabot ang kanilang mga saloobin.

Bahagi rin aniya nito ay upang alamin ang progreso ng imbestigasyon sa isinampang mga reklamo kaugnay sa ginagawang red tagging sa mga progressive organizations, individuals at maging sa mga land rights activist sa rehiyon.

Aniya, bahagi ng mandato ng CHR ang imbestigahan ang mga totoong nangyayari kaugnay sa paninikil at pagpaslang sa mga miyembro ng organisasyong nais lamang maghayag ng hinaing sa pamahalaan.

-- ADVERTISEMENT --

Paliwanag ni Montesclaros, mula ng maisabatas ang Anti-Terror Law ay mas lalong dumarami ang nagiging biktima ng red tagging kung saan pilit na iniuugnay sila sa mga NPA na lalong nagpapataas ng karahasan dahil sa pagpatay.

Inihalimbawa naman ito ang nangyaring pamamaslang kay NDF consultant Randy Malayao.

Umaasa ang nasabing grupo na sa lalong madaling panahon ay masulusyonan at makakamit ng mga biktima ang hustisya.