Tuguegarao City- Inilatag ng bagong National Director ng PNP Highway Patrol Group (HPG) ang mga panuntunan upang masulusyonan ang mga insidente sa lansangan sa bansa.
Kabilang dito ang mga nagaganap na carnapping, highway robbery at high jacking na kadalasang nangyayari sa mga lansangan.
Ayon kay PBGEN Eliseo Dela Cruz bagong talagang Director ng HPG, pangunahin sa mandato ng kanilang hanay ang mapababa ang mga krimen na nagaganap sa mga pangunahing lansangan sa pilipinas.
Kabilang sa mga inilatag na hakbang ay ang 24/7 na pagpapatrolya sa mga kalsada, pagpapaigting sa motor vehicle clearance sa mga bentahan ng mga motoriklo at iba pa.
Ang naturang mga hakbang ay makatutulong upang masawata ang paglaganap ng krimen sa iba’t-ibang panig ng bansa.
Tiniyak naman ng opisyal na mapaparusahan ang sinumang kawani na tatanggap ng suhol o mangingikil sa mga motorista kaugnay sa pagtupad ng kanilang tungkulin.
Ito ay bilang bahagi naman ng internal cleansing na ipinatutupad sa nasabing sangay.
Magugunitang si PBGEN Cruz ay ilang linggo pa lamang sa kanyang pwesto bilang national director ng HPG na pumalit kay PBGEN Dionardo Carlos.