Mas pinipili na ngayon ng kabataang Pilipino ang work-from-home setup sa paghahanap ng trabaho, ayon sa Department of Labor and Employment.
Ayon kay Labor Undersecretary Carmela Torres, nagkakaroon ng pagbabago sa pananaw ng kabataan pagdating sa trabaho.
Aniya, ang mga kabataan ay naghahanap hindi lamang trabaho, kundi ng mga makabuluhang oportunidad na akma sa mga makabagong pangangailangan sa mundo.
Kabilang sa mga hinahanap ng kabataan ngayon ay ang flexible work arrangements, mga trabahong gumagamit ng digital na teknolohiya, at mga posisyong nakatutok sa sustainable practices.
Dahil dito, iginiit ni Torres na kailangang maging mas flexible ang gobyerno sa pag-akma sa mga bagong henerasyon ng manggagawa.
Dapat aniya ay maihanay ang mga pagsasanay at employment strategies sa mga pangarap at kakayahan ng kabataan upang masiguro na sila ay handang makilahok sa mundo ng trabaho.
Tinatayang nasa 6.415 milyon ang kabataang bahagi ng labor force sa Pilipinas noong Abril 2025, kung saan halos 88 porsyento o 5.67 milyon ang may trabaho.