Nagbabala si Philippine Coast Guard (PCG) Commodore Jay Tarriela na posibleng suportahan ng China ang mga kandidato sa 2028 General Elections na hindi kumikilala sa karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).

Ayon kay Tarriela, inaasahang gagamit ang gobyerno ng China ng malawakang information operations, kabilang ang Foreign Information Manipulation and Interference (FIMI), upang manipulahin ang opinyon ng publiko at paboran ang mga politikong hindi kumukuwestiyon sa kanilang presensya sa pinag-aagawang karagatan.

Binigyang-diin ng opisyal ang kahalagahan ng pagpigil sa disinformation na ikinakalat ng China, lalo na ang mga naratibong sinusuportahan ng ilang lokal na politiko.

Naniniwala si Tarriela na kung hihina ang transparency initiative ng gobyerno tungkol sa WPS, may panganib na makalimutan ng mga botante sa 2028 kung sinong mga lider ang tunay na tumitindig para sa soberanya ng bansa.

Samantala, sa kabila ng mainit na palitan ng pahayag sa pagitan niya at ng Chinese Embassy sa Maynila, nilinaw ni Tarriela na wala siyang natatanggap na utos mula sa Malacañang na limitahan ang kaniyang pakikipag-ugnayan sa media.

-- ADVERTISEMENT --

Patuloy aniya ang kaniyang mandato na ilantad ang mga kaganapan sa WPS upang mapanatili ang kamalayan ng mga Pilipino sa usapin ng teritoryo.