Tuguegarao City- Nakahandang magbahagi ng kanilang sahod ang lahat ng kawani ng 5th Infantry Division Philippine Army upang tumulong sa mga nangangailangan na naapektohan ng umiiral na Enhanced Community Quarantine.
Sa panayam kay MGEN. Pablo Lorenzo, Commanding Officer ng 5th ID, bahagi aniya ito ng kanilang mandatong tumulong hindi lamang sa pagtiyak sa seguridad ng publiko kundi maging sa ganitong sitwasyon.
Aniya, ang pamamahagi ng kanilang mga sahod ay napagkasunduan na nila upang makapagbigay ng ayuda sa mga higit na nangangailangan at naapektuhan ang kabuhayan.
Ayon sa opisyal ay makikipag-ugnayan ang kanilang hanay sa tanggapan ng DSWD upang matukoy ang mga dapat makatanggap ng ayuda.
Nilinaw pa ni Lorenzo na ang malilikom na pera mula sa kanilang hanay ay ipambibili ng mga relief goods na ibibigay sa mga target beneficiaries.
Samantala, tiniyak pa nito ang kahandaan ng kasundaluhan upang tumulong sa iba pang mga aktibidad at gawain upang labanan ang paglaganap virus na dulot ng COVID-19.