
Naghanda ang France sa panibagong malawakang protesta at welga ng mga kawani ng pamahalaan na humihiling ng dagdag-sahod sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Aabot sa 5.8 milyong public sector employees ang hinimok ng mga unyon na lumahok sa nationwide strike matapos mabigong makuha ang kanilang hinihinging umento sa sahod sa pakikipagpulong kay Prime Minister Sebastien Lecornu.
Ito na ang ikatlong pagkakataon mula Setyembre na nanawagan ang mga unyon ng sabayang pagkilos at welga sa sektor ng pamahalaan.
Inaasahang aabot sa 220,000 hanggang 300,000 katao ang lalahok sa mga protesta sa buong bansa, kabilang ang 40,000 hanggang 80,000 sa Paris.
Giit ng mga unyon, bumaba na ng 16 porsiyento ang purchasing power ng mga kawani ng gobyerno mula 2017 dahil sa implasyon at kawalan ng pangkalahatang dagdag-sahod sa nakalipas na tatlong taon.
Nagpatupad naman ang mga awtoridad ng ilang restriksiyon sa mga pagtitipon malapit sa mga paaralan at unibersidad dahil sa pangambang mauwi sa karahasan ang mga protesta.










