Nanawagan si Gabriela Women’s Party-list Representative Sarah Elago ng imbestigasyon sa pagkakaaresto sa mahigit 200 nagprotesta mula sa Southern Tagalog na mahigit 24 oras nang nakadetine sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.

Ayon kay Elago, wala pa umanong malinaw na impormasyon tungkol sa mga kasong isasampa laban sa mga dinakip matapos ang kilos-protesta noong Linggo, kasabay ng pagbubukas ng ASEAN Summit.

Kinuwestiyon din ng kongresista ang umano’y arbitraryong pagdetine sa mga raliyista at iginiit na dapat na silang palayain kung walang sapat na batayan upang sila ay panatilihing nakakulong.

Sinabi ni Elago na hihilingin niya sa Kamara na imbestigahan ang legalidad ng malawakang pag-aresto at ang naging aksiyon ng mga pulis.

Samantala, nagkakaiba ang bilang ng mga naaresto. Iniulat ng Philippine National Police na 211 ang dinakip, habang 276 naman ang bilang na inilabas ng mga grupong sibiko.

-- ADVERTISEMENT --

Depensa naman ng pulisya, ipinatutupad lamang nila ang batas nang pigilan ang mga nagprotestang nagtangkang magmartsa patungo sa Philippine International Convention Center, kung saan ginaganap ang summit.

Nakatakda namang ituloy ng mga progresibong grupo sa Martes ang kanilang planong kilos-protesta patungo sa PICC.