Sinariwa ngayong araw ng ilang mambabatas at personalidad sa naging necrological service sa Senado ang naging kontribusyon ni dating Senate President Juan Ponce Enrile bilang lingkod-bayan.

Unang unang sumalang para magsalita rito si dating senador Dick Gordon at ayon sa kanya bagamat may pagka-Leon si Enrile ay mayroon daw itong mamon na puso.

Dagdag pa niya, kaliwa’t kanan man ang naging pag-atake sa dating senador ay hindi niya ito kailanman nakitang tumakas, lumipad sa ibang bansa o biglaang naka-wheelchair.

Sa kabilang banda, inalala ni Congresswoman Gloria Macapagal Arroyo ang hinding hindi niya makakalimutan na karanasan kay Enrile kung saan tinawag siya nitong parang asawa ni Ceazar na walang kasalanan sa isang pagdinig laban sa kanya.

Ang mga salitang ito raw ang nagbigay liwanag sa kanyang araw noon at maging sa career.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon naman kay Senate President Tito Sotto, masaya siyang nagkaroon siya ng pagkakataon na makatrabaho bilang mambabatas si Enrile na kung tawagin niya ay ‘Manong Johnny’ dahil na rin sa pagiging fatherly figure nito.

Sa huli, sinabi ni Sotto na batid nilang mga nagmamahal kay Enrile na masaya na ito kung nasaan ito.