
Makakatanggap ng ikalawang tranche ng cash assistance sa Oktubre 16 ang mga kwalipikadong low-income members ng Social Security System (SSS) na kabilang sa UPLIFT program ng pamahalaan.
Ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), kabilang dito ang mga benepisyaryo sa Group 3 na nakatanggap na ng unang tranche at patuloy na nakatutugon sa requirements ng programa.
Samantala, nasa 265,795 bagong Group 3 beneficiaries ang inaasahang makatatanggap ng parehong unang at ikalawang tranche sa nasabing petsa, basta’t naabisuhan na sila ng SSS at na-update ang kanilang Disbursement Account Enrollment Module (DAEM) hanggang Oktubre 5.
Sa ilalim ng programa, tumatanggap ang bawat kwalipikadong benepisyaryo ng P2,000 kada buwan sa loob ng anim na buwan, o kabuuang P12,000.
Hinimok naman ng DSWD ang mga benepisyaryo na tiyaking aktibo at tama ang kanilang DAEM details upang maiwasan ang pagkaantala o pagkabigo ng crediting.
Nagbabala rin ang ahensya laban sa mga scammer na nagpapanggap na nag-aalok ng UPLIFT assistance kapalit ng personal o banking information.
Ayon sa DSWD, ang mga opisyal na abiso kaugnay ng cash assistance ay ipararating sa pamamagitan ng My.SSS app.
Sa ngayon, nasa 865,971 low-income SSS members na ang nakatanggap ng UPLIFT cash assistance sa kanilang mga rehistradong disbursement account.










