Natagpuan ng mga pulis ang mga labi ng dalawang Chinese na biktima ng kidnapping sa Lungsod ng General Trias, Cavite noong Biyernes, Pebrero 7.
Ayon sa ulat ng mga pulis mula sa Region 4A, ang mga labi na nahukay ay ang hinihinalang nawawalang ina na si Rong Rong Hong at ang kanyang 11-anyos na anak na si Zineng Zheng.
Ang mag-ina ay tinangay sa Ayala Alabang, Muntinlupa noong Oktubre 2023.
Ang kanilang mga labi ay nahukay ng pinagsamang operatiba mula sa Philippine National Police Anti-Kidnapping Group at lokal na pulisya sa Barangay San Francisco bandang alas-5 ng hapon February 7, 2025.
Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga pulis at isasailalim ang mga labi sa post-mortem examination at awtopsiya upang kumpirmahin ang kanilang pagkakakilanlan at alamin ang sanhi ng kanilang kamatayan.
Noong Oktubre 30, 2023, anim na armadong kalalakihan ang pumasok sa isa sa mga bahay sa mamahaling village ng Muntinlupa at tinangay ang siyam na tao, kabilang ang anim na Chinese.
Tatlo sa mga biktima, na lahat ay mga Pilipino — isang mag-asawa na nagsilbing stay-in house helper at driver pati na rin ang kanilang anak — ay pinalaya sa Calauan, Laguna.
Ang apat sa anim na Chinese ay natagpuang patay sa Tanay, Rizal at Infanta, Quezon noong Nobyembre 1 at 6.
Noong Disyembre 2023, inaresto ng mga pulis ang tatlong suspek na nasa likod ng kidnapping.
Sa ngayon ay nakakulong na ang mga ito at nahaharap sa mga kasong kriminal.