TUGUEGARAO CITY-Nakikipag-ugnayan ang Filipino Community sa local resident ng Uganda para maiabot ang tulong sa mga Pinoy na labis na naapektuhan sa umiiral na lockdown dahil sa banta ng Covid 19.
Sa report ni Bombo International News Correspondent Danilo Gumasing na tubong Antipolo City na siya ring Presidente ng Filipino Community sa Uganda, nasa sampung Pinoy na apektado ng “no work no pay” ang kailangan na abutan ng tulong sa nasabing bansa.
Ayon kay Gumasing na kumuha sila ng driver ng boda-boda o single motor na siyang magdadala ng ayuda sa mga kababayan na nawalan ng trabaho dahil napagkakamalan umano ng mga mamayan sa Uganda na Chinese ang mga Pinoy doon.
Galit umano sa mga Chinese ang mga residente ng Uganda dahil sila umano ang nagpakalat ng nasabing nakamamatay na virus kung kayat kinukutya at sinasaktan ang mga napagkakamalang Chinese.
Nabatid na nasa 300 ang mga pinoy na nakabase ngayon sa Uganda.
Dagdag pa nito na sumusunod ang mga mamamayan ng Uganda sa mga ipinatutupad na patakaran dahil talagang ginugulpi gamit ang batuta, baril at ibang uri ng pamalo ang mga nakikitang gumagala sa kalsada sa oras ng curfew
Ito aniya ang rason kung bakit mababa ang bilang ng kaso ng covid sa Uganda na umabot lamang sa 75. w/ reports from Bombo Marvin Cangcang