Isinusulong ng ilang mambabatas ang pagpasa ng panukalang batas na layong ipreserba at i-restore ang mga pelikulang Pilipino sa ilalim ng Philippine Film Development Act.

Pinangunahan ito nina FPJ Panday Bayanihan Party-list Rep. Brian Poe, Batangas Rep. Ryan Recto, Leyte Rep. Richard Gomez, at Negros Occidental Rep. Javier “Javi” Benitez, na nananawagan ng pagsasanib ng House Bill No. 5053 at House Bill No. 8298.

Layunin ng mga panukala na magtatag ng National Film Archive of the Philippines at isang programa para sa restoration ng mga klasikong pelikulang Pilipino.

Ayon kay Poe, mahalagang mapanatili ang mga obra ng mga haligi ng industriya tulad nina Fernando Poe Jr., Vilma Santos, at iba pang beteranong artista at filmmaker para sa susunod na henerasyon.

Ikinabahala naman ni Gomez ang kalagayan ng mga lumang pelikula, kung saan may ilang film negatives pa umano na nagamit na lamang bilang pampasaya tuwing Bagong Taon dahil sa kawalan ng maayos na pag-iingat.

-- ADVERTISEMENT --

Giit naman nina Benitez at Recto, mahalaga ang pangangalaga sa kulturang Pilipino sa pamamagitan ng programang susuportahan ng pamahalaan para sa restoration at archival preservation.

Ayon kay Recto, hindi matatawaran ang halaga ng kultura dahil ito ay pamana sa susunod na henerasyon.