TUGUEGARAO CITY- Muling nagpaalala ang Employees Compensation Commission o ECC sa mga nagpositibo sa covid-19 na mga kawani ng pribado at government agencies na maaari pa silang maghain ng kanilang claims sa tanggapan para sa financial assistance na P10, 000.
Sinabi ni Remedios Andrada ng ECC na ang prescriptive period ng paghahain ng claims ay tatlong taon.
Gayonman, sinabi ni Andrada na marami ang hindi pa nakapaghain ng kanilang claims dahil sa nagbago na ang proseso.
Sinabi niya na kung dati ay diretso sa kanilang tanggapan ang aplikasyon, ngayon ay kailangan na kumuha ng employees compensation form sa Social Security System o SSS at lapatan ang mga hinihinging mga impormasyon at pagkatapos ay ibalik sa SSS para sa kanilang pag-apruba.
Kung aprubado ng SSS ay saka naman dadalhin sa ECC na kanila namang ipapadala sa kanilang central office para sa approval.
Para naman sa mga kawani ng pampublikong ahensiya ay magtungo lamang sa GSIS.
Kaugnay nito, himingi ng pang-unawa si Andrada dahil sa natatagalan ang proseso ng mga nakapaghain na ng kanilang claims dahil sa mga restrictions sa Manila o sa kanilang central office dahil sa mga restrictions bunsod ng covid-19 pandemic.