Tuguegarao City- Isinasailalim ng LGU Alcala sa rapid testing ang lahat ng mga residenteng maysakit at nakikitaan ng sintomas ng lagnat, ubo at iba pang karamdaman sa kanilang bayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Tin Antonio, alkalde ng Alcala, kailangang matiyak ang kondisyon ng mga may sakit upang agad na makagawa ng hakbang ang kanilang tanggapan sakali na may magpositibo sa virus.
Bahagi aniya ito ng kanilang kahandaan upang matiyak na hindi kumalat ang virus na dulot ng COVID-19 sa nasabing bayan.
Ayon sa alkalde, Abril 1-3 ng umpiasahang ilunsad ng LGU Alcala ang naturang hakbang kung saan sa kasalukuyan ay may 57 ang kabuuan ng mga isinailalim sa pagsusuri.
Inihayag nito na mula sa naturang bilang ay may dalawang nagpositibo sa sintomas ng virus ngunit kalaunan ay agad ding gumaling at maayos na ang kalagayan ngayon.
Nanawagan naman ito sa lahat ng mga AlcaleƱos na ipagbigay alam sa kinauukulan kung may mga nararamdamag sintomas ng sakit upang agad na makagawa ng hakbang upang masuri ang mga ito.
Ipinasiguro pa nito ang katiyakan sa mahigpit na pagpapatupad ng mga protocols na kailangang sundin upang makaiwas sa banta ng nakakahawang sakit.
Nabatid na ang mga naturang rapid test kits sa bayan ng Alcala ay idinonate umano sa kanila upang may magamit laban sa COVID-19.