
Nagpahayag ng pagtutol ang ilang militanteng grupo sa planong pagtatayo ng Pax Silica Hub sa New Clark City sa Tarlac dahil sa pangambang malalagay umano sa alanganin ang interes ng mga Pilipino. Sa isinagawang People’s SONA, sinabi ni dating Bayan Muna Representative Teddy Casiño na layunin umano ng proyekto na palawakin ang kontrol ng Estados Unidos sa industriya ng artificial intelligence at hindi ang tunay na pagpapaunlad sa Pilipinas.
Ang Pax Silica ay isang inisyatibong pinangungunahan ng Estados Unidos na naglalayong bumuo ng pandaigdigang supply chain para sa artificial intelligence at semiconductor industry. Bahagi ng plano ang pagtatayo ng 1,600-ektaryang AI industrial hub sa New Clark City upang iproseso ang mga kritikal na mineral ng bansa at gumawa ng mga high-tech na bahagi para sa AI at semiconductor manufacturing.
Samantala, iginiit ni Kabataan Party-list NCR member Charlie Wayne Caraga na dapat umanong bantayan at tutulan ang proyekto dahil sa posibleng epekto nito sa kapaligiran, paglikas ng mga komunidad, at umano’y hindi patas na pakinabang ng Pilipinas sa value chain. Aniya, maaaring manatili lamang ang bansa sa mababang antas ng produksyon habang ang mas malaking kita ay mapupunta sa ibang bansa.










