(c) PSSG. Dexter Peralta ng PNPIguig

Naisampa na ang kaso laban sa 34 na katao na nahuli noong Miyekules, April 15 dahil sa paglabag sa curfew hour sa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) sa bayan ng Iguig, Cagayan.

Habang ang apat na iba pa na pawang mga menor de edad na nahuli ay ipinasakamay sa tanggapan ng Municipal Social Welfare and Development (MSWD).

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PCapt. Jeffrey Canay, hepe ng PNP-Iguig na karamihan sa mga nahuli ay lumabag sa social distancing at unauthorized na pamamalagi sa labas ng bahay.

Sa 38 bilang ng nahuli sa isang araw lamang, karamihan sa mga ito ay mula sa isang Barangay na papunta sa palengke ngunit hindi sinunod ang social distancing habang nakasakay ng jeep.

Sa kabuuan, 66 na ang nahuli at sinampahan ng reklamo sa pamamagitan ng regular filing ng PNP-Iguig simula nang ipatupad ang ECQ sa Luzon.

-- ADVERTISEMENT --

Tiniyak ni Canay na haharapin pa nila ang kanilang kaso pagkatapos na ng ECQ.

Samantala, nakikiusap si Canay sa mga residente na huwag matigas ang ulo at sumunod sa mga ipinatutupad na patakaran upang maiwasan ang pagkalat ng nakamamatay na virus.