Walang naitalang pinsala ang mga paliparan sa bansa na nasa ilalim ng management at operasyon ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).
Ayon kay Eric Apolonio, spokesperson ng CAAP, napanatili ang maayos na kundisyon ng mga pasilidad at mga kagamitan sa kabila ng mga malalakas na hangin at mga pag-ulang dulot ng bagyo.
Batay sa datus ng CAAP Operations Center, kabuuang 38 domestic flights ang naitalang na-kansela sa pananalasa ng bagyo.
Muli namang iginiit ng CAAP ang Memorandum Circular 013-2023 na inilabas pa dati ni CAAP Director General Capt. Manuel Antonio L. Tamayo.
Sa ilalim ng naturang memo, ang mga sasakyang panghimpapawid na may maximum certificated takeoff weight na 5,700 kg o mas mababa pa ay pinagbabawalang bumiyahe muna kapag may mga nakataas na signal No. 1 dahil sa bagyo.
Tuloy-tuloy ding pinapayuhan ng ahensiya ang mga pasahero na kumpirmahin muna ang kanilang fligh schedule bago magtungo sa mga paliparan upang matiyak na matutuloy ang mga ito.
Pinapayuhan din ang mga pasahero na agahan ang pagtungo sa mga paliparan at piliting makarating dito, dalawang oras bago ang nakatakdang mga flight.