Nanawagan ang mga pamilya ng siyam na South Korean workers na nawawala matapos ang malawakang flash flood sa Nepal na agad na makapagpadala ng mga helicopter para sa search and rescue operation.

Mahigit 48 oras na umano mula nang mangyari ang sakuna, kaya nangangamba ang mga pamilya na nauubusan ng oras ang mga rescue team para mahanap ang kanilang mga mahal sa buhay.

Ang siyam na nawawalang manggagawa ay empleyado ng Doosan Enerbility at Korea South-East Power na nagtatrabaho sa isang malaking hydropower project na tinamaan ng flash flood na iniuugnay sa pagguho ng glacier.

Ayon sa mga pamilya, hindi sapat ang impormasyong kanilang natatanggap tungkol sa kinaroroonan at kalagayan ng mga nawawalang manggagawa. Hiniling din nilang agad na ibahagi sa kanila ang mga kuha ng search operation at iba pang update.

Nanawagan sila sa South Korean government na gamitin ang diplomatic channels upang hilingin sa mga awtoridad ng Nepal ang mas aktibong suporta sa paghahanap.

-- ADVERTISEMENT --

Dumating na sa Kathmandu noong Huwebes ng gabi ang South Korean rapid response team, ngunit hinihintay pa rin nito ang clearance para makabiyahe patungo sa lugar na sinalanta ng baha. Nilimitahan naman ng Nepalese military ang operasyon ng mga pribadong helicopter dahil sa pangamba sa posibleng panibagong pagbaha.

Sinabi rin ng Nepalese Foreign Ministry na wala pa silang pangangailangan sa tulong ng mga dayuhang rescue team dahil kaya umano ng kanilang mga awtoridad na pangasiwaan ang search and rescue operations.

Samantala, iniutos ni South Korean President Lee Jae Myung ang isang all-out response sa sakuna. Nangako rin ang mga kumpanyang pinagtatrabahuhan ng mga nawawalang South Korean na gagawin ang lahat ng paraan upang mahanap at mailigtas ang kanilang mga empleyado.

Sa siyam na nawawala, anim ang empleyado ng Doosan Enerbility habang tatlo naman ang nagtatrabaho sa Korea South-East Power.