Isinama na ng gobyerno sa priority legislative agenda ang mga panukalang batas na naglalayong higpitan ang access ng mga bata sa social media at magpatupad ng 25-year development plan para sa Sierra Madre Mountain Range.

Ayon kay House Speaker Faustino “Bojie” Dy III, idinagdag ang mga panukala sa priority list sa naging pulong ng Legislative-Executive Development Advisory Council o LEDAC nitong Huwebes.

Sa ilalim ng House Bill No. 9965 o Children’s Social Media Safety Act, itinatakda ang age verification, mas mahigpit na parental controls, pananagutan ng social media platforms at digital safety standards para maprotektahan ang mga bata laban sa cyberbullying, online exploitation at mapanganib na content.

Samantala, layunin naman ng House Bill No. 3538 o Sierra Madre Conservation and Development Authority Act na magpatupad ng science-based environmental management at sustainable livelihood programs para sa mga komunidad na umaasa sa Sierra Madre.

Kabilang din sa mga bagong priority bill ang panukalang pagtataas ng tax-free annual income threshold mula ₱250,000 tungo sa ₱350,000, gayundin ang mga panukala para sa agriculture, agricultural cooperatives, real property valuation at electric vehicle industry.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Speaker Dy, umabot na sa 60 ang kabuuang bilang ng LEDAC priority bills, kung saan 27 na ang naaprubahan ng Kamara sa third at final reading.