Tuguegarao City- Nilinaw ng pamunuan ng Cagayan State University (CSU) ang ilang mga patutsada sa social media kaugnay sa umano’y pagsuway ng unibersidad sa mga panuntunan bunsod sa banta ng COVID-19.

Sa isang pagpupulong, iginiit ni Dr. Urdujah Tejada, University President na ang lahat ng aksyon ng unibersidad ay nakabatay sa guidelines ng Commission on Higher Education (CHED) at Inter-Agency Task Force(IATF).

Gayunman, ipinunto rin ng opisyal na walang mga nilabag na Executive Orders at ibang mga panuntunan ang CSU at sa halip ay kaisa sila sa pagsulong ng mga batas na dapat sundin sa pagharap ng pandemya.

Ayon sa kanya, mahigpit ang direktiba ng pamunuan sa lahat ng mga Campus Executive Officers (CEO) at mga Dekano ng CSU upang pangunahan ang mga faculty members at mga mag-aaral sa pagsunod sa mga alituntunin.

Kaugnay nito, nilinaw din ni Dr. Tejada ang alegasyon sa umano’y mga natatakot na mag-aaral na magpaabot ng reklamo sa administrasyon ng unibersidad.

-- ADVERTISEMENT --

Paliwanag ni Dr. Tejada, maraming mga mag-aaral na umano ang nagpapaabot ng sumbong at nabibigyan tamang proceso upang maayos ang mga reklamo.

Bagamat may pag-aalinlangan na maaaring patibong lamang ang ilang mga nagrereklamo na hindi nagpapakilala ay tinitiyak naman nito na nabibigyan ng kaukulang hakbang ang mga sumbong ng mga mag-aaral.

Inihayag pa nito na ang pagbaba naman ng bilang ng mga mag-aaral ng CSU ay dahil na rin sa unang dalawang taon na walang enrollee dahil sa pagpasok ng K-12.

Samantala, ipinaliwanag naman ni Fr. Ranhilio Aquino, Vice President for Administration and Finance, na ang CSU ay hindi nakasailalim sa anumang LGUs sa halip ay isang “instrumentality of national government”.

Ngunit, ayon sa kanya ay sinusunod nito ang mga direktiba katulad ng pagsuspindi sa klase at anumang EO kung kinakailangan.

Sinabi pa ni Fr. Aquino na sa pagbubukas ng school year 2020-2021 ay marami pang kailangang ayusin at paghandaan upang makasunod sa mga alituntunin lalo pa ngayong may banta ng COVID-19.

Sa ngayon ay patuloy na inihahanda ng CSU ang iba pang mga guidelines sa pagbubukas ng klase na dapat ipatupad alinsunod sa mga direktiba ng IATF at iba pang sangay laban pa rin sa COVID-19 pandemic.