Higit 18,000 bagong halal na opisyal ang nakatakdang manumpa sa puwesto ngayong Lunes, Hunyo 30, 2025, at kasabay nito, muling pinaalalahanan ng taumbayan ang mga ito na tuparin ang kanilang mga ipinangako noong panahon ng kampanya.
Ayon kay Prof. Maria Fe Mendoza ng University of the Philippines National College of Public Administration and Governance (UP NCPAG), nararapat lamang na papanagutin ng publiko ang mga opisyal sa kanilang mga plataporma at paninindigan.
Binanggit din niya na malaki ang naging papel ng kabataan, na bumoto ng 31% sa nakaraang halalan, na nagbukas ng panibagong pag-asa lalo na’t ang ilan sa mga pumasok sa “Magic 5” sa Senado ay hindi inaasahan sa mga pre-election survey.
Sa panig ng mga botante, umaalingawngaw ang panawagan para sa konkretong aksyon mula sa mga opisyal, gaya ng pagpapababa ng presyo ng bilihin, pagbibigay ng trabaho, at pagtutok sa mga nasa laylayan ng lipunan.
Hinimok din ng iba na higitan ng mga bagong opisyal ang nagawa ng mga naunang nanungkulan upang mas mapaunlad ang kabuhayan ng mga mamamayan.
Sa huli, malinaw ang mensahe ng publiko na hindi sapat ang pangako—dapat itong tuparin.