
Nagkaroon ng tulakan at balyahan sa pagitan ng mga raliyista at pulis sa labas ng isang hotel sa Taguig City kung saan ginanap ang isang event na dinaluhan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Nagprotesta ang grupo laban sa Pax Silica initiative, na layong palawakin ang pamumuhunan sa semiconductors at iba pang critical technologies sa bansa.
Ayon kay Bayan chairperson Teddy Casiño, tutol sila sa proyekto dahil nais nilang ang pag-unlad ng bansa ay nakabatay sa sariling interes ng Pilipinas at hindi sa kondisyon ng mga dayuhang investor at malalaking negosyante.
Habang nagpoprotesta ang grupo sa labas, hinikayat naman ni Marcos ang mga dayuhang investor na magdala ng kapital, teknolohiya at expertise sa Pilipinas, partikular sa Luzon Economic Corridor.
Iginiit ng Pangulo na dapat mas maraming value ang malikha sa bansa sa pamamagitan ng domestic processing, manufacturing, research at innovation, kasabay ng mahigpit na environmental safeguards at benepisyo para sa mga apektadong komunidad.
Binanggit din sa forum ang pagpapaunlad ng critical minerals at New Clark City, na nakatakdang maging lokasyon ng Pax Silica initiative.









