
Unti-unti nang dumadagsa ang mga rallyista mula sa iba’t ibang sektor sa Luneta ngayong umaga.
Ito ay upang ipanawagan at kondenahin ang malawakang korapsyon na nangyayari sa bansa.
Partikular dito ang maanomalyang flood control projects ng pamahalaan na patuloy na iniimbestigahan ng iba’t ibang ahensya, maging sa Senado at Kamara.
Hindi lamang sa Luneta ikinakasa ang mass protest kundi maging sa EDSA at mayroon din sa ibang lugar o probinsya.
Ayon kay Manila Police District (MPD) PIO Chief Philipp Ines, nasa 3,000 PNP personnel ang ipinakalat sa Luneta habang mahigit sa 300 tauhan mula sa iba’t ibang departamento naman ang idineploy ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila.
Pinaalalahanan naman ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang mga team na ang kanilang misyon ay para serbisyuhan ang mga tao.
Kabilang sa mga ipinakalat sa rally sa Maynila ang mga tauhan mula sa Department of Public Services (DPS), Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB), Department of Engineering and Public Works (DEPW), Manila City Disaster Risk Reduction and Management Office (MCDRRMO), at Manila Health Department (MHD).
May mga naka-standby ding 14 ambulansya na idineploy sa 14 na site na maaaring daanan ng mga rallyista patungong Luneta na handang umalalay sakaling may emerhensiya.