
Gamit ang heavy machinery, nagpapatuloy ang rescue operation ng Nepal para maabot ang mga construction worker na pinaniniwalaang na-trap sa mga tunnel ng hydropower projects matapos ang malawakang flash flood at mudslide.
Ayon sa Nepal Energy Ministry, nakumpleto na ang pagbabarena ng apat na butas at naghahanda na ang mga rescue team na direktang makapasok sa tunnel para ipagpatuloy ang search and rescue operation.
Ikalimang araw na ng operasyon, kung saan mahigit 100 trabahador ang pinaniniwalaang buhay ngunit na-trap sa ilang tunnel, partikular sa Trishuli 3A at 3B hydropower sites.
Umaabot naman sa 933 hydropower workers ang naiulat na nawawala matapos tangayin ng rumaragasang putik at debris ang mga lugar noong Miyerkules.
Gumamit ang Nepal Army ng drills, excavators, hydraulic cutters, search cameras at iba pang kagamitan. Naantala ang operasyon nitong madaling araw ng Linggo dahil sa malakas na ulan at pagtaas ng lebel ng ilog, ngunit muling ipinagpatuloy nang bumuti ang kondisyon.
Nakikibahagi rin sa search and rescue ang specialized tunnel-rescue teams mula India at China, kasama ang mga mountain rescue team ng Nepal na karaniwang tumutulong sa mga climber sa Mount Everest.
Samantala, 11 hydropower stations at isang solar power station ang pansamantalang tumigil sa operasyon dahil sa pinsala, na may kabuuang kapasidad na 431.1 megawatts o tinatayang 10% ng naka-install na electricity generation capacity ng Nepal. Dagdag pa rito, 15 power projects na ginagawa pa lamang ang napinsala rin.










