Nagbabala ang Philippine Coast Guard (PCG) sa mga mangingisda at residente ng coastal communities sa Ilocos Norte at Cagayan na maging alerto sa posibleng pagbagsak ng debris mula sa Chinese rocket na ilulunsad sa pagitan ng 6:32 a.m. hanggang 7:14 a.m. sa Miyerkules, December 31.

Ayon kay Ens Erika Faith Coloso, tagapagsalita ng Coast Guard District North Eastern Luzon, inaasahang babagsak ang bahagi ng rocket sa dalawang designated drop zones sa extreme Northern Luzon.

Ayon kay Coloso, ang unang drop zone ay matatagpuan sa 45 nautical miles mula sa Burgos, Ilocos Norte at 67 nautical miles mula sa Dalupiri Island, Cagayan.

Ang ikalawa naman ay 64 nautical miles mula sa Santa Ana, Cagayan at 65 nautical miles mula sa Camiguin Norte.

Nag-isyu na rin ang PCG ng temporary maritime restrictions sa dalawang lugar at hinimok ang mga mangingisda at maliliit na bangka na iwasan ang naturang mga lugar hanggang sa matapos ang debris recovery operations.

-- ADVERTISEMENT --

Mahigpit din na ibinabala na huwag lalapitan o hahawakan ang mga debris na ito dahil sa posibleng toxic substance nito.