TUGUEGARAO CITY-Nanawagan ng malinis na inuming tubig ang mga residente sa Sitio Ipil sa Barangay Bauan East, Solana, Cagayan matapos ang naranasang malawakang pagbaha sa probinsya.

Ayon kay Lovely Adriano, residente ng nasabing lugar, kontaminado ang tubig mula sa kanilang pump well dahil nalubog din ito sa tubig baha kung kaya’t hindi pa ito maaaring inumin.

Pagkukwento ni Adriano, halos malubog sa tubig baha ang kanilang mga bahay matapos umapaw ang ilog cagayan na nakapalibot dito.

Sa kabila nito, nagpasalamat ang mga residente sa mga nagpapaabot ng mga tulong mula grupo ng pamahalaan at sa mga pribadong sektor para matugunan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.

Sa pag-iikot ng Bombo Radyo sa lugar, hindi pa tuluyang humuhupa ang tubig baha kung kaya’t maputik pa ang mga kalsada sa nasabing lugar.

-- ADVERTISEMENT --
Tinig ni Lovely Adriano

Samantala, umaasa ang mga magsasaka ng mais sa lugar na maibebenta pa kahit sa murang halaga ang kanilang mais na nalubog sa tubig-baha.

Sinabi ni Salvador Casibang, gabi at biglaan ang pagtaas ng tubig kaya hindi nila naitaas ang kanilang mga naaning mais na umaabot sa 2,000 sako.

Aniya, kahit lugi na sila ang importante ay may maibenta at magkaroon ng pera.

Bukod sa mga mais, marami ring sako ng palay ang nangitim na at hindi na maaaring kainin matapos na malubog din sa tubig-baha.with reports from Bombo Marvin Cangcang

Tinig ni Salvador Casibang