Nasa ligtas na sitwasyon na ang lahat ng sakay ng apat na bangka na tumaob matapos hampasin ng malalaking alon sa dagat na bahagi ng Claveria, Cagayan bandang alas diyes ng umaga ng Oktubre 18.

Ayon kay PSSGT Francis Tamayo, imbestigador ng PNP Claveria, magkakasabay na tumaob ang mga bangkang MB Shaira Mae, MB Lester James, MB Jazz at isang non motorized bangka nang mahampas ng naglalakihang alon sa karagatan habang papadaong na sana sa pampang.

Ang MB Shaira Mae ay sakay sina Dante Dollente, kapitan ng bangka kasama ang crew nito na si Raymar Cosme at ang mga pasaherong sina Julius Tumarup at Ben Visario habang sa MB Lester James naman nakasakay sina Jordan Dela Cruz, kapitan ng banka at ang mga crew nito na sina Jomar Balbad at Angelmar Capalaram mga pawang nagmula sa Fuga Island.

Sa MB Jazz naman nakasakay sina June Laurel at Elmar habang sa non-motorize banka din nakasakay si Romel Apog na pawang mangingisdang mula sa bayan ng Claveria.

Ayon kay Tamayo, ang mga indibidwal na nakasakay sa MB Shaira Mae at MB Lester James ay mga 4Ps member na pupunta sana sa Claveria upang mag withdraw at bumili ng kanilang pangunahing pangangailangan habang ang mga mangingisdang residente sa bayan ng Claveria ay hinihinalang tumakas lamang sa pamamalaot upang makapanghuli naman ng isada.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi niya na nagtulong tulong ang pulisya katuwang ang Philippine Coast Guard, Maritime Unit at mga residente upang mailigtas ang mga sakay ng tumaob na mga banka.

Dahil sa lakas ng paghampas ng alon sa karagatan ay nagkawasakwasak ang apat na bangka.