Ilang senador, dati at kasalukuyan, ang naharap sa reklamo sa Senate Committee on Ethics and Privileges dahil sa umano’y hindi angkop na asal, korapsyon, at paglabag sa code of conduct.

Kabilang dito sina Senador Alan Peter Cayetano at noo’y senador Nancy Binay na nagbangayan sa pagdinig noong 2024, pati si dating senador Antonio Trillanes IV na ilang ulit naireklamo, kabilang ang kaso laban kay dating senador Richard Gordon. May mga reklamong naisampa rin laban kina Senador Panfilo Lacson at Vicente Sotto III, ngunit karamihan ay na-dismiss.

Nahaharap din noon sa reklamo sina dating senador Leila de Lima, Senador Pia Cayetano, at dating senador Manny Villar kaugnay ng iba’t ibang isyu tulad ng umano’y korapsyon at plagiarism. Maging ang yumaong senador Juan Ponce Enrile ay nasangkot din sa mga ethics complaint.

Sa kasalukuyang ika-20 Kongreso, may siyam nang reklamo laban sa ilang senador, kabilang sina Ronald dela Rosa, Risa Hontiveros, Francis Escudero, at Senador JV Ejercito na siyang namumuno sa komite.

Ayon kay Ejercito, didinggin ang mga reklamo batay sa first in, first out na proseso at sisiyasatin muna kung may sapat na ebidensya bago ito umusad.

-- ADVERTISEMENT --