Sa paggunita ng Labor Day, muling nanawagan ang ilang senador kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na i-certify bilang urgent ang panukalang batas na nagtataas ng minimum wage ng P100 sa buong bansa.
Kasabay ng kilos-protesta ng mga manggagawa para sa makatarungang sahod at maayos na kondisyon sa trabaho, iginiit nina Senadora Risa Hontiveros, Senador Joel Villanueva, at Senador Bong Go ang agarang aksyon mula sa Malacañang.
Ayon sa kanila, matagal nang inaprubahan ng Senado ang panukala, at tanging ang Kamara at ehekutibo na lang ang kailangang kumilos bago matapos ang ika-19 na Kongreso sa Hulyo.
Binalaan ni Hontiveros na kung hindi agad maaaksyunan ang wage hike bill, babalik sa umpisa ang buong proseso sa pagbubukas ng bagong sesyon.
Bagamat aminado siyang kulang ang P100 dagdag sahod sa harap ng patuloy na pagtaas ng bilihin, aniya’y isa itong mahalagang hakbang para matulungan ang karaniwang Pilipino.
Samantala, hindi binanggit ni Pangulong Marcos sa kanyang Labor Day message ang tungkol sa panukalang batas, at sa halip ay sinabi lamang na 16 rehiyon na ang may naaprubahang dagdag-sahod sa ilalim ng mga regional wage boards.