
Naghain ng petisyon ang grupong Kapatid sa Department of Justice o DOJ upang ipahinto ang malawakang paglilipat ng mga persons deprived of liberty o PDL mula sa New Bilibid Prison patungo sa mga regional penal colony. Ayon sa grupo, nilagdaan ito ng 45 sinasabing political prisoner, kabilang ang 12 senior citizen at 18 may iniindang karamdaman.
Iginiit ng Kapatid na ang paglilipat ay nagdudulot ng malaking abala sa pagpapagamot, paglapit sa mga abogado, at pagdalaw ng kanilang mga pamilya. Hiniling din ng grupo sa DOJ at Bureau of Corrections o BuCor na panatilihin sa New Bilibid Prison ang 45 PDL, gawing kailangan ang nakasulat na pahintulot bago ilipat ang isang bilanggo, itigil ang komersyalisasyon ng mga lupain ng kulungan, sundin ang United Nations Mandela Rules, at pabilisin ang pagpapalaya sa matatanda, may malubhang karamdaman, at mga nakapagsilbi na ng kanilang sentensiya.
Ayon kay Kapatid spokesperson Fides Lim, hindi aniya malulutas ng mass transfer ang pagsisikip sa mga kulungan dahil inililipat lamang ang mga PDL sa mga pasilidad na lampas na rin sa kapasidad. Aniya, inililihis lamang nito ang problema sa ibang rehiyon sa halip na tugunan ang ugat ng suliranin.
Sa panig ng BuCor, iginiit ni Director General Gregorio Catapang Jr. na bahagi ng decongestion program ang paglilipat ng mga PDL. Sinabi ng ahensya na kabilang sa mga hakbang nito ang Bilis Laya Program, Inmate Redistribution Program, at regionalization plan para mabawasan ang pagsisikip sa mga kulungan at mapabuti ang kalagayan ng mga pasilidad. Itinanggi rin ni Catapang na mayroong mga political prisoner sa bansa.










