Binigyang-diin ni House Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima na kailangang tiyakin na magsasabi ng buong katotohanan at magsasauli ng ninakaw na pera ng taumbayan ang mga inaprubahang maging state witness sa flood control scandal.

Pahayag ito ni de lima makaraang sabihin ng Department of Justice (DOJ) na isinailalim na sa witness protection program para sa imbestigasyon ukol sa korapsyon sa flood control projects ang apat na sangkot sa kontrobersiya.

Kabilang dito sina dating Department of Publis Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo, dating DPWH Bulacan District Engineer Henry Alcantara, DPWH Engr. Gerard Opulencia, at si Sally Santos na siyang mag-ari at manager ng SYMS Construction Trading.

Giit ni de lima, wala silang dapat pagtakpan at wala silang dapat protektahan kundi ang katotohanan at interes ng taumbayan.

Una rito, sinabi ni acting Justice Secretary Fredderick Vida, bilang bahagi ng kanilang kasunduan, nangako ang apat na makipagtulungan sa pag-uusig at ibalik ang mga natanggap na kickback mula sa mga maanomalyang proyekto.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kabuuan, P316 milyon na ang naibalik sa pamahalaan: P181 milyon mula kay Alcantara, P80 milyon mula kay Opulencia, P35 milyon mula kay Bernardo, at P20 milyon mula kay Santos. Binigyang-diin ng DOJ na ang pagiging state witness ay may karapatang ma-discharge sa ilang kaso, ngunit maaaring bawiin sakaling umatras o magbago ng testimonya ang sinuman sa kanila.