Nagsalita na ang Armed Forces of the Philippines (AFP) kaugnay sa mas agresibong panggigipit ng China sa mga tauhan ng Philippine Navy sa kasagsagan ng resupply mission noong araw ng Lunes sa Ayungin shoal.

Ibinunyag ni AFP chief General Romeo Brawner Jr. sa isang press conference sa pagbisita niya sa Puerto Princesa, Palawan na lumaban ang mga tauhan ng PH Navy gamit ang kanilang kamay lamang laban sa China Coast Guard personnel na armado ng bolo nang harangin, banggain at sumampa ang mga ito sa maliit na bangka ng PH.

Sa kabila aniya ng presensiya ng mga armas sa loob ng resupply boat ng PH Navy hindi ginamit ang mga ito dahil iniiwasang magkaroon ng giyera. Sa halip ay tinulak ng mga Navy personnel ang rigid hull inflatable boats ng China Coast Guard para mapigilang banggain ng mga ito ang PH boats.

Samantala, kinumpirma naman ni AFP Western Command chief Rear Admiral Alfonso Torres Jr. na binutasan ng China Coast Guard personnel ang inflatable boats ng PH Navy gamit ang kanilang mga bolo.

Kinumpirma din ni Torres na kinumpiska ng CCG ang 7 firearms subalit nasa loob lamang ito ng kaha ng baril at hindi ginamit ng mga Pilipino sa kasagsagan ng resupply mission.

-- ADVERTISEMENT --

Ginawa ng AFP officials ang paglilinaw kasunod nga ng pagbangga, paghatak at pagsampa ng CCG personnel sa maliit na bangka ng PH na nagresulta sa pagkasugat ng 8 tauhan ng PH Navy kabilang ang isa na naputulan pa ng daliri sa insidente.

Ang naging aksiyon ng CCG personnel ay control measures umano alinsunod sa kanilang iginigiit na soberaniya sa halos buong disputed waters na sumasaklaw sa karamihan sa West Philippine Sea na nasa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas.