Nagreklamo ang ilang taxi at jeepney drivers sa Cagayan de Oro City matapos umano silang makatanggap ng P1,500 na fuel subsidy sa halip na inaasahang mas mataas na halaga.

Nagtungo ang mga taxi drivers at operator sa tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board-10 sa Northern Mindanao noong umaga ng Abril 20, 2026 upang maghain ng reklamo at humingi ng paglilinaw.

Ayon sa kanila, inaasahan nilang aabot sa P5,000 ang subsidy kaya nagulat sila sa natanggap na halaga.

Sinabi ni CAFIDATA President Bernie Jamaca na marami sa mga tsuper ang nadismaya at nalito, at may ilan pang nag-akala na may nangyaring hindi tama sa kanilang natanggap na pondo.

Samantala, ipinaliwanag ni UNIDA President Joel Gabatan na ang ibang jeepney drivers ay umaasa ng kabuuang P11,500 na tulong, kabilang ang P5,000 mula sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) at P6,500 na fuel subsidy.

-- ADVERTISEMENT --

Gayunman, lumalabas na P1,500 lamang ang naibigay bilang fuel subsidy sa ilang benepisyaryo.

Ayon kay LTFRB-10 Regional Director Aljo Bendijo, ipapadala na sa central office ang mga reklamo upang agad na maresolba ang isyu.

Kinumpirma rin niya na P5,000 ang nakatakdang fuel subsidy para sa mga taxi driver.

Pinayuhan ng opisyal ang mga tsuper na huwag munang galawin ang natanggap na P1,500 at i-save ang notification mula sa kanilang e-wallet bilang ebidensya habang inaayos ang problema.

Hinimok naman ng LTFRB-10 ang mga driver na may kaparehong isyu sa e-wallet payouts na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan upang mabigyan ng tamang tulong at gabay.