TUGUEGARAO CITY – Nagsasagawa na umano ng validation ang Mines and Geosciences Bureau Region 2 at Environmental Management Bureau kaugnay sa reklamo ng black sand mining sa Brngy. Bisago, Aparri, Cagayan.

Sinabi ni Mario Ancheta, director ng MGB Region 2 na tugon ito sa pagka-alarma ng mga mamamayan ng Bisago sa presensiya ng mga barko sa bukana ng ilog Cagayan na hinihinala nila na nagsasagawa ng black sand mining.

Ayon kay Ancheta, posibleng sa mga susunod na araw ay ilalabas na nila ang resulta ng ginagawang validation dahil sa magsasagawa din sila ng inspeksion sa kung ano ang laman ng barko.

Subalit, sinabi ni Ancheta na una na silang nagsagawa ng validation sa lugar nitong nakalipas na buwan at ang nakitang aktibidad doon ay ang pag-aaral para sa dredging sa bukana ng ilog Cagayan sa ilalim ng memorandum of agreement sa pagitan ng pamahalaang panlalawigan at Pacific Offshore Exploration Inc.

Kaugnay nito, sinabi ni Ancheta na inatasan sila ng Department of Environment and Natural Resources Office na magsagawa ng pag-aaral sa kung ilang percentage ang magnetite content ng dredged particles sa nasabing ilog.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa kanya, batay kasi sa regulasyon, kung 6 percent pataas ang magnetite content ng buhangin ay dapat na may ipapataw nang buwis sa mga kukuha nito.

Ito ay sa kabila na sinabi ni Rogie Sending, head ng Provincial information Office ng kapitolyo na 5 percent lang ang magnetite ore doon.

At sa ilalim ng MOA ay libre ang dredging at ang mga gravel and sand ay kukunin ng nagsasagawa ng dredging.

Subalit, sinabi ni Ancheta na kailangan muna niyang mabasa ang nilalaman ng MOA para sa kaukulang ipatutupad na regulasyon ukol sa nasabing aktibidad.