Naniniwala ang militar na mga miyembro ng New People’s Army (NPA) ang nasa likod ng pagpatay sa isang rebel returnee sa bayan ng Gattaran, Cagayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Lt. Col. Angelo Saguiguit, commanding officer ng 17th Infantry Batallion, Philippine Army na nakikipagtulungan ang hanay ng militar sa pulisya upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Rodrigo Tumbali, 70-anyos at residente ng Barangay Piña Este.

Nakikipag-ugnayan rin ang militar sa pamilya at mga kaibigan ng biktima na maaaring makatulong sa imbestigasyon.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sampung armadong lalaki ang pumasok sa bahay at dumukot sa biktima noong araw ng mga puso, February 14.

Matapos ang ilang minuto, ang bangkay ni Tumbali ay natagpuang may tama ng baril sa kanyang dibdib sa isang palayan na malapit sa kanilang lugar.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ngayon, patuloy na inaalam ng mga otoridad ang motibo at ang grupong nasa likod ng krimen.

Sinabi ni Saguiguit na iniimbestigahan na nila ang kasalanan ng biktima sa grupo na sinabi umano ng isa sa mga dumukot kung kaya pinarusuhan ng kamatayan.

Gayunman, kinondena ng militar ang paraan ng pinaniniwalaang NPA sa pagpataw ng parusa sa biktima nang hindi dumaan sa paglilitis.

Napag-alaman na si Tumbali ay dating miyembro ng NPA noong 1988 bago nagbalik-loob sa pamahalaan noong 1990’s.

Pumasok siya bilang Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) ng dalawang taon bago naging bodyguard ni dating Cagayan Governor Rodolfo Aguinaldo.