Tinawag na hibang ng pamunuan ng 17th Infantry Batallion, Philippine Army ang Karapatan-Cagayan Valley dahil sa pahayag ng grupo kaugnay sa umanoy umiiral na Martial Law sa Sitio Lagum, Barangay Lipatan, Sto. Niño, Cagayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Lt. Allen Tubojan, tagapagsalita ng 17th IB na nahihibang na ang grupo sa kanilang mga alegasyon na pawang mga paninira sa imahe ng militar.
Kasabay nito, itinanggi ng 17th IB ang akusasyon sa di-umano’y militarisasyon sa Barangay Lipatan dahil ang presensiya ng kasundaluhan sa lugar ay para sa pagpapatupad ng peace and order.
Hindi aniya kukunsintihin ng militar ang anumang paglabag ng sinumang sundalo sa karapatang pantao ng mga mamamayan.
Nauna nang nanawagan ang grupong Karapatan Cagayan Valley sa Commission on Human Rights, National Commision on Indigenous People’s at Sangguniang Panlalawigan na imbestigahan ang umano’y pang-aabuso at militarisasyon.
Sinabi ni Jackie Valencia ng naturang grupo na ang militarisasyon ay hindi magdudulot ng tunay na kapayapaan sa lugar hanggat hindi nareresolba ang ugat ng armadong pakikibaka tulad ng kahirapan, kawalang-hustisya, at iba pa.
Gayunman, sinabi ni Tubojan na propaganda lamang ng grupo ang inilabas na pahayag upang makakuha ng simpatiya at ilihis ang publiko.
Dagdag pa ni Tubojan, hindi lehtimong grupo ang Karapatan dahil hindi naman ito kinikilala ng CHR.