Patay ang isang babaeng guro sa elementarya matapos siyang pagsasaksakin ng kanyang mismong asawa dahil umano sa selos sa Rodriguez, Rizal.
Nasaksihan ng kanilang 10-anyos na anak ang krimen.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Paul Sabulao, hepe ng Rodriguez, Rizal Police Office, bago ang insidente, nag-away ang mag-asawa noong umaga ng Miyerkules, kung saan tinapunan ng mister ng kape ang misis, hanggang sa kumuha siya ng kutsilyo at inundayan ng saksak ang babae.
Sinabi ni Sabulao na ang pinag-ugatan ng away ng mag-asawa ay ang nakita ng mister na post umano ng misis sa social media.
Bukod dito, nagagalit ang mister dahil sa laging ginagabi ng uwi ang kanyang misis.
Idinagdag pa ni Sabulao na may record na rin ang lalaki matapos siyang ireklamo ng misis ng pananakit umano sa kanilang anak, kung saan nagkaroon ng settlement.
Tumakas ang 37-anyos na suspek matapos ang pananaksak pero nadakip kalaunan sa Barangay San Isidro.
Narekober sa crime scene ang kutsilyong ginamit umano ng suspek sa krimen.
Nahaharap sa reklamong parricide ang suspek, na nakabilanggo sa custodial facility ng Rodriguez Municipal Police.