Nahaharap ngayon sa kasong parricide ang isang mister matapos niyang patayin sa saksak ang kanyang asawa dahil sa matinding selos sa loob mismo ng kanilang bahay sa Zone 3, Brgy. Backiling, Aparri, Cagayan noong Linggo ng gabi, Marso- 6.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PCPL Jayson Lazaro, imbestigador ng PNP- Aparri na agad binawian ng buhay ang biktimang si Jowely Gercan, 32-anyos, dating OFW sanhi ng tig-isang tama ng saksak sa kanyang likod at balikat.

Boluntaryo namang sumuko sa PNP-Allacapan nitong Lunes, Marso-7 ang suspek na si Ronelio Gercan, 42-anyos, tubong Navotas, Manila na agad namang ipinasakamay sa PNP-Aparri.

Sa imbestigasyon, sinabi ni Lazaro na dakong alas 10:30 ng gabi nang nagalit ang mister sa nakita niyang litrato ng lalaki sa cellphone ng kanyang misis.

Humantong ang mainit na sagutan ng mag-asawa sa pananaksak ng lalaki gamit ang patalim na pangkatay ng baboy na nasaksihan ng dalawang menor de edad na anak ng biktima sa una nitong asawa.

-- ADVERTISEMENT --

Agad na humingi ng saklolo ang dalawang bata, ngunit wala nang buhay ang biktima.

Sinabi ni Lazaro na madalas ang pagtatalo ng dalawa dahil sa selos habang labis naman ang pagsisisi ng suspek subalit kailangan nitong harapin ang kaso laban sa kanya kung saan nakatakda itong isailalim sa inquest proceedings, bukas.