Sugatan ang isang ginang matapos tagain ng kanyang dating mister sa kalagitnaan ng kanilang pagtatalo sa bayan ng Lasam, Cagayan.

Kinilala ang ginang na si Elizabeth, 59-anyos, residente ng Brgy Ignacio Jurado habang ang suspek ay si Simeon, 61-anyos, residente ng Brgy Peru.

Ayon kay PSMSGT Florence Ann Butac ng PNP- Lasam, nauwi sa pagtatalo ang pagdalaw ng suspek sa kanilang bahay hanggang sa kumuha ng itak o tabas si Simeon.

Apat na beses na tinaga ng suspek ang kanyang misis sa harap ng kanilang panganay na anak na edad 41 na sinubukan namang umawat.

Nagtamo ng sugat ang biktima sa kanyang tatlong daliri sa kaliwang kamay, kanang braso at kanang kamay.

-- ADVERTISEMENT --

Nauna na rin umanong pinagbawalan ng kinakasama ng babae ang pagdalaw ng mister dahil sa selos at pinag-aawayan rin aniya ng dating mag-asawa ang hatian sa kanilang negosyong motorshop.

Sa ngayon ay desididong kasuhan ng misis ang kanyang mister ng paglabag sa RA 9262 o violence against women and their children (VAWC).