Pormal nang sinampahan ng kaso ang isang lalaking nagkasa ng baril matapos tanggihan ng kapitbahay ang alok niyang uminom ng alak sa bayan ng Lal-lo, Cagayan.
Ayon kay PLT Gilbert Columna, deputy chief of police ng PNP-Lallo, kasong other light threat o pambabanta at paglabag sa RA 10591 dahil sa illegal na pagbibitbit ng baril ang isinampa laban kay Marcial Serano, 51-anyos, construction worker at residente ng Brgy San Mariano sa naturang bayan.
Batay sa imbestigasyon, dakong alas 7:00 ng umaga nang normal na magtungo ang suspek sa harapan ng bahay ni Imelda Gumilla, 53-anyos upang alukin ng alak ang kinakasama nito.
Nagalit umano ang suspek matapos itong tanggihan dahilan para magkasa ng baril hanggang sa kusang umalis subalit bumalik ito dakong alas 2:00 ng hapon.
Dahil sa takot ay tumawag na ang biktima ng pulis na agad rumesponde at natunton ang suspek na sinubukan pa umanong tumakas pero nahabol din sa di kalayuan.
Boluntaryo namang binuksan ng suspek ang kanyang sling bag at tanging tatlong bala ng cal.45 ang nakita ng mga pulis habang itinanggi naman nito ang pagbibitbit ng baril na patuloy na iniimbestigahan ng pulisya.
Sinabi ni Columna na ito na ang pangatlong beses na nanggulo ang suspek subalit ngayon lamang ito inireklamo dahil sa takot ng mga biktima.
Naglaan din ang korte ng piyansa sa isang kaso nito na nagkakahalaga ng P80K para sa kanyang pansamantalang kalayaan.