
Pinatay ng mister ang kanyang misis sa loob ng simbahan sa Barangay Poblacion, Liloan, Cebu, noong umaga ng October 24, 2025.
Ang biktima na kinilalang si Estela, 44-anyos ay nakitang duguan at walang malay sa pasukan ng simbahan na may mga sugat sa likod ng kanyang ulo at leeg.
Dinala siya sa ospital subalit idineklara siyang dead on arrival.
Tinukoy naman ng pulisya ang suspek na ang kanyang mister na kinilalang si Ronnie, 40-anyos, kapwa residente ng Poro, Camotes, Cebu.
Ayon sa kapatid na babae ng biktima, bagong labas lang mula sa pagkakakulong ng kanyang bayaw dahil sa paglabag sa Violence Against Women and Children (VAWC) Act.
Hanggang sa kasalukuyan ay tinutugis pa ang suspek.
Samantala, naglabas naman ng pahayag na pirmado ni Rev. Fr. Joseph Larida, ang moderator ng team of pastors sa San Fernando El Rey Parish, kaugnay sa nangyaring insidente.
Nakasaad dito na nakikipagtulungan ang parisj sa mga awtoridad para matiyak na maibigay ang hustisya sa biktima.
Nakasaad din sa pahayag na lahat ng misa at parish activities ay pansamantalang isasagawa sa Parish Pastoral Center.







