
Arestado ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isang miyembro umano ng “Labang Criminal Group” na sangkot umano sa pagpatay sa isang konsehal noong 2018 sa lungsod ng Tuguegarao.
Kinilala ang akusado sa alyas “Simeon,” 62 anyos na inaresto sa Barangay Buntun, Tuguegarao City sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong murder na inilabas ng korte noong November 24, 2025.
Batay sa imbestigasyon, miyembro umano ng gun-for-hire at itinuturong namaril at pumatay kay Councilor Alfred Alvarez ng Rizal, Cagayan noong July 29, 2018.
Ayon sa ulat na nakarating kay Acting CIDG Director PMGEN Robert Alexander Morico II, bukod sa pagiging aktibong miyembro ng naturang criminal group, itinuturing din Top 6 Regional Most Wanted Persons sa Cagayan Valley ang akusado.
Ang “Labang Crime Group” ay sinasabing sangkot sa gun-for-hire, robbery/hold-up, akyat-bahay, extortion, carnapping at cattle rustling sa Cagayan Valley, Kalinga at Isabela.
Matatandaan na noong July 29, 2018, pinagbabaril ng akusado kasama ang apat na iba pang akusado si Alvarez sa Barangay San Gabriel.
Sakay noon si Alvarez sa kanyang sasakyan at pauwi na sana sa kanyang tinutuluyang bahay sa lungsod nang mangyari ang pamamaril.










