TUGUEGARAO CITY – Huli ang tatlong menor de edad na suspek sa pagpatay sa isang dating guro na miyembro ng Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender, and Queer (LGBTQ) sa isinagawang hot pursuit operation matapos ang pananaksak sa bayan ng Ballesteros, Cagayan noong Linggo, January 8.

Hindi na pinangalanan ang mga suspek na ang isa ay nasa edad 17 at dalawang 15-anyos lamang na pawang mga residente ng Centro, Abulug.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PCAPT Andy Delos Santos, deputy chief of police ng PNP-Ballesteros na nakita ng isang Brgy Kagawad ang duguang katawan ng biktimang si Kent Bryle Misador, 25-anyos, walang asawa at residente ng Brgy Linao, Aparri na nakahandusay sa lansangan ng Brgy Sta Cruz, Ballesteros dakong alas-11:00 ng gabi.

Tinatayang nagtamo ng 8 saksak ang biktima na sanhi ng kaniyang pagkamatay.

Ayon kay Delos Santos, galing ng Maynila ang biktima at nag-checkin sa isang hotel sa Ballesteros kung saan kinatagpo nito ang tatlong suspek na ang isa ay dati nitong estudyante.

-- ADVERTISEMENT --

Nabatid na nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga suspek at biktima na dahilan ng pananaksak gamit ang isang kutsilyo o balisong na narekober sa crime scene.

Bagamat nakatakbo ang biktima, hinabol pa ng mga suspek at dito pinagsasaksak hanggang sa mapatay.

Agad namang natukoy ang mga suspek base sa palitan ng mensahe na nakita sa cellphone ng biktima.

Madaling araw ng Lunes nang nahuli ang mga suspek sa kani-kanilang mga bahay at kahit menor de edad ay sasampahan pa rin ng pulisya ng reklamong murder.