
Mariing itinanggi ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang alegasyong nagtatago umano ang kanilang traffic enforcer habang nagtatrabaho at nanghuhuli ng motorista sa Maynila.
Ito ay matapos kumalat sa social media ang larawan ng isang MMDA traffic enforcer na mistulang nagtatago sa likod ng isang poste sa Plaza Avelino intersection, sa ilalim ng Nagtahan Bridge.
Ayon sa MMDA, hindi nagtatago ang kanilang tauhan upang manghuli ng lumalabag sa batas-trapiko, kundi nag-ooperate ng traffic signal light sa naturang lugar.
Paliwanag pa ng ahensya, mano-mano rin umanong ino-operate ang traffic signal light dahil sa kasalukuyang sitwasyon ng trapiko sa lugar, kaya kinakailangang manatili ang enforcer malapit sa local controller.
Pinayuhan naman ng MMDA ang publiko na suriin munang mabuti ang sitwasyon at alamin ang buong konteksto bago gumawa ng sariling interpretasyon, lalo na kung gagamitin lamang ito para sa online content.










