
Inatasan ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Atty. Don Artes ang agarang pagto-tow at pagbibigay ng citation ticket sa mga sasakyang iligal na nakaparada sa kahabaan ng EDSA-White Plains kasabay ng isinagawang malawakang protesta ng Iglesia ni Cristo (INC) malapit sa EDSA People Power Monument nitong Martes.
Ayon sa MMDA, isinasagawa ang operasyon sa pakikipag-ugnayan sa Philippine National Police (PNP) upang mapanatili ang kaayusan at mabawasan ang pagsisikip ng daloy ng trapiko sa lugar.
Naka-activate na rin ang Emergency Operations Center (EOC) ng ahensya upang matiyak ang mabilis na koordinasyon at pagtugon sa anumang sitwasyong may kaugnayan sa pagtitipon. Mahigpit ding mino-monitor ng MMDA ang sitwasyon sa Liwasang Bonifacio sa Maynila bilang bahagi ng traffic at public safety operations.
Nag-preposition din ang MMDA ng mga sasakyang maaaring gamitin sa pagsasakay ng mga pasaherong maaapektuhan ng malawakang pagtitipon at posibleng mabigat na daloy ng trapiko. Samantala, kinumpirma ng Department of Transportation (DOTr) na nananatiling normal ang operasyon ng mga istasyon ng EDSA Busway sa kabila ng mabagal na usad ng trapiko sa ilang bahagi ng EDSA.










