TUGUEGARAO CITY- Malapit na umanong masimulan ang dredging ng ilog Cagayan na magsisismula sa bukana sa Aparri.
Ito ay matapos na malagdaan na ang Memorandum of Agreement sa pagitan ng DENR at ang dredging company na Great River North Consortium Inc. at River Front Construction, Inc. para sa Cagayan River Restoration Project.
Sinabi ni Gwendolyn Bambalan, regional executive director ng DENR Region 02, ang dalawang kumpanya ang nakatugon sa mga requirements at mga proseso para sa proyekto mula sa pito na aplikante.
Sinabi pa ni Bambalan na batay sa dredging plan na ginawa ng DPWH na inaprubahan ng Inter-Agency Committee on Cagayan River Restoration, mahigit sa 38 kilometers ang kailangan na I-dredge.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Governor Manuel Mamba na kailangan pa ng ilang requirement mula sa dalawang dredging company bago siya mag-issue ng notice to proceed.
Sinabi pa ni Mamba na nag-uusap na rin sila ng mga nasabing kumpanya para sa agarang pagsisimula ng dredging sa ilog Cagayan.
Kasabay nito, nagpapasalamat si Mamba sa pamahalaan dahil sa pinagbigyan ang kanyang matagal ng kahilingan na isagawa ang dredging sa ilog Cagayan.
Ayon sa kanya, matagal din niyang isinulong ito at napansin din ng pamahalaan ang pangangailangan ng dredging matapos na maranasan ang matinding pagbaha sa Cagayan at Isabela kamakailan.
Samantala, nabatid na nakipagpulong ang mga miembro ng Build, Back Better Task Force na mga opisyal ng DENR at DPWH kaugnay sa nasabing proyekto.
Binisita rin ng mga ito ang ilang bahagi ng makipot na ilog sa Magapit, Lallo at pag-aaralan kung ano ang dapat gawin dito.