Patay matapos umanong manlaban ang isang magnanakaw ng motorsiklo sa operasyon ng pulisya, kahapon sa bayan ng Solana, Cagayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PCAPT Jhunjhun Balisi, hepe ng Solana Police Station na unang iniwasan ng suspek na si Reggie Canapi, 35-anyos ang inilatag na boundary2boundary (B2B) checkpoint sa Barangay Maddarulug at mabilis na tumakas kaya agad na naghinala ang mga pulis at hinabol ang suspek.

Ayon kay Balisi, nakorner ang suspek sa isang bakanteng lote sa Barangay Dassun habang tinatanggal ang plate number ng ninakaw na motorsiklo.

Agad umanong bumunot ng baril ang suspek at pinaputukan si PSSGT Larry Angco na may bulletproof vest, na napilitan namang gumanti at tinamaan ng dalawang beses ang suspek sa kanyang dibdib.

Bukod sa baril, nakuhanan din ang suspek ng apat na sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa 10 gramo.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag pa ni Balisi na dati na ring nakulong ang suspek sa kahalintulad ng kaso ng motornapping subalit napawalang sala.

Samantala, pagmamay-ari ni Rogelio Chua, residente ng Tuguegarao City ang nakaw na motorsiklo na tinangay ng suspek noong December 27, 2019 habang nakaparada sa harap ng isang bangko sa Bonifacio St.