Bumaba ang bilang ng mga kaso ng motornapping sa lalawigan ng Cagayan noong 2019.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PLT Rico Oñate, deputy chief ng Highway Patrol Group sa probinsiya na base sa datos ay may naitalang 37 na bilang ng motornapping na mas mababa aniya kung ikukumpara sa datos noong 2018.

Sa naturang bilang labing-pito ang narekober at naibalik na sa mga may-ari kung saan pinakamarami ang naitala sa lungsod ng Tuguegarao.

Nabatid pa na karamihan sa mga tinangay na motorsiklo ay narekober ng pulisya sa lalawigan ng Kalinga.

Ayon kay Oñate na malaki ang tulong ng mga karatig bayan sa kampanya laban sa mga motornapper, kooperasyon ng publiko at mga Barangay officials at pagpapatupad ng mahigpit na checkpoint sa lungsod.

-- ADVERTISEMENT --
PLT Rico Oñate, deputy chief ng PNP-HPG Cagayan

Kung matatandaan, isinailalim ng HPG sa seminar sa anti-carnapping at road safety ang mga barangay officials sa lungsod ng Tuguegarao noong nakaraang taon.

Habang sunod na isasailalim sa kahalintulad na seminar ang mga barangay officials sa bayan ng Solana na makakatuwang ng HPG.

Nilinaw naman ni Oñate na tanging mga motornapping lamang umano ang mga report na nakakating sa kanila at wala namang kaso ng carnapping sa mga 4 wheel vehicle.